ABASPlaKNPLTo

Isang kabalintunaan na sa kabila ng  patuloy na pamamayagpag ng Spotify at Apple Music ay kaliwa’t kanan ang paglabas sa plaka ng mga “anniversary releases” ng mga sikat na album ngayong 2016 at nitong mga nakalipas na taon.   Ilan lamang sa mga ito ay ang “20th anniversary vinyl release” ng Crash ng Dave Matthews Band, ang “20th anniversary” ng No Code ng Pearl Jam at  ang “10th anniversary”  ng James Taylor at Christmas. Sa taon ding ito, ni-“reissue” ng Verve ang walo sa pinakabantog na album ni Diana Krall sa “vinyl format.” Samantala, ilalabas sa plaka ang lahat ng “studio albums” ni Sting bago matapos ang taong kasalukuyan. Bagama’t di maikakailang di kayang makipagsabayan ng mga lokal na “recording companies” sa kanilang mga kapilas  sa kanluran ay may ilang mga “vinyl releases” din ang OPM na sa wakas ay umiikot na sa ating mga “turntables.” Merong galing sa “CD master.”  Merong  galing  sa orihinal na “analog tapes.” Iba’t iba ang nibel ng kanilang pagkakasaplaka at  “album art”  pero lahat sila ay tumutunog sa pamamagitan ng “33 1/3 revolutions per minute.”    Narito ang sampu na nagpabulalas sa akin ng: ABASPlaKNPLTo!

sept-blog-pic

“Psst” ni  Bullet Dumas

Bumilib ako sa musika ni Bullet Dumas mula nang mapanood ko syang magkwento, tumugtog at umawit sa konsyertong “DAMA” na kinatampukan din nina Ebe Dancel at Johnoy Danao.   May pagka-Andy McKee sya kung tumugtog at humampas ng gitara. Mala-Dave Matthews naman minsan  ang istilo ng kanyang silabikasyon. Pero ang buod na sinasaad ng kanyang mga nilikha ay maliwanag na orihinal at purong  musikang Pilipino. Salamat sa Satchmi at Jam 88.3, naisaplaka ang “Psst” na syang nagsilbing pinaka-“signature composition” ni Dumas kasama ng labing apat pang pinakaastig na obra ng mga lokal na  “indie musicians.” Ang mga ito ay unang naitanghal  sa “Fresh Filter” ng Jam 88.3.  Nawa ay sumunod na ang isang “full-length album.”

“Tadhana” ng UpDharmaDown

Isang patotoo sa ganda ng awiting ito ang tatlong alternatibong bersyon na nasumpungan ko kamakailan. Ang una ay ang “acoustic version” ni  Johnoy Danao sa  YouTube. Ang ikalawa ay ang bersyon ni KZ Tandingan sa Wish FM. Ang dueto nina Aicelle Santos at Noel Cabangon sa konsyerto ng huling pinamagatang “Traffic Jam” ang ikatlo.  Wala akong itulak kabigin sa tatlong  alternatibong bersyon nito. Gayunpama’y  likas na mas malapit sa nakararami ang orihinal na bersyon nito na inawit ni Armi Millare, ang bokalista  ng UDD.  Hango sa ikatlong album ng UDD na Capacities ang awiting ito. Dahil sa kasikatan ng UDD at sa patakaran nila na maglako lamang sa mga “gigs” nila ay mahirap nang makatsamba ng album na ito sa plaka.

sept-blog-udd

“Minsan” nina Ely Buendia at Raymund Marasigan

Bago pa man muling pinasikat ito ng Smart ay may espesyal na puwang na ang awiting ito sa mga “fans” ng Eraserheads. Tumbok kasi nito ang saya ng pagkakaibigan at ang   alaala ng pagsasamahan. Kaya marahil nababagay ito sa tema ng pelikulang “Ang Nawawala” kung saan ang bersyong ito nina Ely Buendia at Raymund Marasigan ay naging bahagi ng “soundtrack.”   Isang biyaya na nagpaunlak ng isang panayam ang direktor nito na si Marie Jamora  bilang bahagi ng isang artikulong inilathala ng Inquirer noong 2014.  Doon ay naikwento ni Jamora na sya ang tumugtog ng tambol sa bersyong ito ng “Minsan.” Ito na muna ang pansamantalang pwedeng pagdamutan ng mga naghihintay sa paglabas ng mga “studio albums” ng Eraserheads sa plaka.

“Magkabilaan” ni Joey Ayala

Ang awiting “Magkabilaan” ay isang  mabisang  patunay sa lawak at talas ng kaisipan ni Joey Ayala bilang makata at mang-aawit. Sa katunayan ay ginamit kong panimula ang ilang titik ng awiting ito sa aking “thesis” tungkol sa pagbabangayan ng kaisipan ni Jurgen Habermas at ng mga “neoconservatives” sa kainitan ng tinatawag na “Historikerstreit.” Laking gulat ko nang matagpuan ko sa Wired State ang larawan ng  “vinyl version” ng album kung saan matatagpuan ang awiting ito. Malayo ang pabalat nito sa bersyong ni-record ni Ayala sa Universal Records. Ito ay dahil sa   isang NGO na base sa Canada ang naglakas loob na ilabas ito sa plaka bilang pagsaludo sa alternatibong musika ni Ayala.   Ang orihinal na may-ari ng kopya ko sa plaka ay sa  eBay pa ito diumano  nabili.

“Cuida” ni Ebe Dancel

Ang awiting ito na unang lumabas sa album na Dramachine ng Sugarfree ay nagmistulang isang “bulagang heto ako” sa akin.  Di ko kasi gaanong kilala ang musika ng Sugarfree.  Aksidenteng namalayan ko lamang ang awiting ito habang nakikinig sa  soundtrack ng pelikulang “Ang Nawawala.” At kung di ko pa napakinggan ang awiting “Bawat Daan” ay di ko mapapansin na ang kumanta ng “Cuida” at ng “Bawat Daan” ay iisa. Ang huli ay sya  ring pamagat ng ikalawang album ni Ebe Dancel.  Matatandaang naging “theme song” din ang “Bawat Daan” ng pelikulang “#WalangForever” na kinatampukan nina Jericho Rosales at Jennilyn Mercado.

sept-blog-pic-byahe

“Kanlungan” nina Noel Cabangon at Aia Deleon

Di pa man lumalabas sa plaka ito, sa loob at labas ng Wired State ay  marami nang mga tagahanga ang awiting ito. Gayon din ang matagal na naging estado ng album na pinamagatang  Byahe kung saan hango ang “Kanlungan.” Kaya nang kinumpirma ng Universal Records  na ilalabas ito sa plaka ay maraming nag-abang sa paglabas nito.  Salamat sa tulong ng  dating lead singer ng Imago na si Aia Deleon, sa dueto nila ni  Cabangon ay mas lalo pang nasapol ng awiting ito  ang katotohanang “panapanahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?” 

“Take Me Out of the Dark”  ni Gary V.

Naaalala ko pa ang aking animo’y karanasang mistikal noong unang beses kong mapakinggan ang awiting ito ni Gary V. Hindi pa ito gasgas noon. Salamat sa aking ama na syang unang naging “vinyl collector” ng aming pamilya, pinalad akong magkaroon ng 1987 “version” ng plaka kung saan hango ang awiting ito.  Gawa na rin ng kalumaan ng unang kopya ng Moving Thoughts  parang  may prinipritong isda pagpinatugtog ko ito ngayon  sa turntable. Kaya’t laking pasasalamat ko   nang malaman kong muli itong ilalabas sa “vinyl”  kasama ng pitong awiting nagpasikat  kay at pinasikat ni Gary V.   Trenta anyos na ang awiting ito sa susunod na taon. Wala pa ring kupas sa birtud.

“Batang Bata Ka Pa” ng Apo  Hiking Society

Ito ang unang 45rpm o  “single” ng Apo na naalala kong hinalughog ko pa sa ibat ibang “record bars.” Laking tuwa ko nang nakakuha ako ng 45rpm na kopya nito. Sa husay ng melody line at counterpoint nito ay madalas ko itong  pinatutugtog sa aming Panasonic stereo. Quadrosonic o 4-channel stereo pa ang uso noon.  Naalala ko din ang orihinal na makulay na  disenyo ng “label” ng  WEA Records. Salamat sa Universal Records, kasama ng awiting ito ay sabay nilang nilabas ang labing apat na awiting bumubuo sa The Best of Apo Hiking Society.  Balita ko ay malapit nang isunod ang “volume” 2 nito na sa “cassette” ko lang unang napakinggan.

sept-blog-sandwich

“Sugod” ng Sandwich

Bagamat “Betamax” ang pinakapaborito kong awitin ng Sandwich ay “Sugod” ang unang nagpakilala sa bandang ito sa nakararami – kasama na ako doon.  Gaya ng “Betamax” ang “Sugod” ay isang nakaeengganyong   “call to action” na pakanta.  Sa katunayan ay parati kong ginagamit ang awiting ito para ipakilala ang natatanging istilo ng pamumuno ng isa sa  pinakatinitingala naming  pinuno sa aming kumpanya.  Sa pananalita at kilos ng lider na ito ay bakas  mo ang sidhi ng kanyang “passion and determination”  na animo’y “asong ulol”  na handang “mag-rakenrol” hanggang umaga. Kamakailan ay lalo akong napabilib sa ganda ng awiting ito nang bigyan ito ng isang “big band interpretation”  ni Ogie Alcacid sa konsyertong “Traffic Jam.”

“Panahon” ng Juan Dela Cruz Band

Ang pinakamahirap na marahil na matagpuang OPM album sa plaka ay ang mga album ng JDLC. Ayon sa Discogs, ang mga “used copies” ng  orihinal na pressing ng mga album ng bandang ito ay naglalaro sa Php 10,000 hanggang Php 23,000 kada kopya.  Isang matatawag na “coup” ng Polyeast Records na nabigyan sila ng pahintulot na muling ilabas sa “vinyl format” ang mga pinasikat na awitin ng JDLC sa album na pinamagatang Tatak. Ang “Panahon” ay isa sa ilang dosenang Pinoy “rock classics” ng bandang ito.   Gaya ng inaasahan, isa ito sa agad na naubos   mula nang ito ay ilako ng mga “record outlets.”

Sa isang maikling panayam na ipinagkaloob ni Ely Buendia kung saan tinanong sya kung nakikinikinita nya kung ang pagbabalik ng plaka ay isang “fad” lamang na lilipas din  ay tinuran nya na:  “I think people are starting to realize the value of music again. I hope OPM goes back to vinyl, too.” Salamat na rin marahil sa kanyang pagiging kolektor ng plaka at musikero, napili nyang ilabas din ang debut album ng kanyang bagong banda na Apartel sa plaka ngayong 2016.

Di maitatatwang marami pa tayong hinihintay na “iconic” na OPM album na sana ay mas mapag-ibayo pa  ang pagsasaplaka habang pinananatili ang orihinal na album art nito.  Nariyan ang unang tatlong “studio albums” ng  Eraserheads,  ang Samba Song ni Bong Penera, ang Metro Pop series, ang One ni Ryan Cayabyab,  ang Himig Natin ng JDLC, ang unang album ng Asin, Rivermaya, Sugarfree,  Wolfgang at Razorback, ang Later Half of the Day ng The Dawn, at  ang Silver ng  Color It Red.   Habang hinihintay natin na muli tayong mapabulalas ng ABNSPlaKNPLTo ay makabubuting pagdamutan na  muna natin ang  payo ng bandang JDLC sa tanong na: “papaano nga bang mailalabas sa mas pinaigting na “vinyl format” ang mga “iconic albums” habang patuloy na nagbabago ng porma ang “business model” ng “music industry”?” Ang sagot nina Pepe, Wally at Mike ay simple at payak lamang:“malalaman mo kung papaano…pagdating ng panahon.”