Rock Star

gary g 1

Si Gary Granada ayon kay BenCab

Habang tayo ay abala sa ating kanya-kanyang mga buhay, apat na   antolohiya ng musika ni Gary Granada ang halos magkakasunod na tahimik na  lumabas sa kabila ng patuloy na paglaganap ng Spotify at Apple Music. Ang “3-CD set” na The Essential Gary Granada Collection ay inilabas noong 2011. Noong 2014 ay  lumabas ang Musika ni Gary Granada sa CD at maging sa plaka.  Pawang sa pamamagitan ng Polyeast Records at pahintulot ni Gary Granada nailabas  ang mga ito. Pero ang pinakakomprehensibo na marahil  ay ang 20-CD Essential Works of Gary Granada mula sa GaryGranadaMusicworks na lumabas ngayong 2016. Bagama’t masasabing kagilagilalas na makapaglabas ng 20 albums ang isang musikerong Pinoy sa siglong ito, importanteng isaalang-alang dito na noon pa mang 1994 ay may 22 albums nang  nailabas  si Granada ayon kay Eric Caruncho ng Philippine Daily Inquirer (Punks, Poets, Poseurs:Reportage on Pinoy Rock and Roll by Eric Caruncho, p. 143.)

gary g 2

Mula sa Polyeast Records

Anupat sa halos apat na dekada ng pagiging kompositor at mang-aawit ni Gary Granada ay  nakalikha sya ng maramiraming mga  obra maestra  na pinasikat nya at pinasikat ng mga kapwa nya mang-aawit.

gary g 3

Mula sa Polyeast Records

Ang “Dam,” “Bahay,”  “Mabuti Pa Sila,” “Pag Nananalo ang Ginebra,” “Kung Ayaw Mo Na Sa Kin,”  “Eroplanong Papel,” “Balon,” “Iisa,” “Kapag Sinabi Ko Sa Yo” at “Hanggang Kailan, Hanggang Saan” ay ilan lamang sa mga pinakasikat nyang awitin na unang narinig sa 70s Bistro at Conspiracy at unang nairekord sa “cassette tapes” bago isinalin sa CD.   Ang “Iisa” at “Kapag Sinabi Ko Sa Yo” ay lalo pang pinasikat kamakailan  ni  Johnoy Danao sa Soundscan. Binigyan din ng natatanging interpretasyon nina Ebe Dancel, Bullet Dumas at Johnoy Danao ang “Iisa” sa kanilang matagumpay na konsyerto sa Music Museum nitong Pebrero.

gary g 8

Mula sa GaryGranadaMusicWorks

Sa mga di nakakaalam, si Gary Granada ang  kompositor sa likod ng “Kahit Konti” na unang inawit ni  Florante sa MetroPop,  “Pag Nananalo ang Ginebra” ni Bayang Barios, “Salamat Musika” ni Nanette Inventor,  “Tagumpay Nating Lahat” ni Lea Salonga, “Aawitin Ko Na Lang” ni Bong Gabriel,  “Paano Mahalin ang Katulad Mo” ni Cooky Chua, “Ang Kailangang Gawin” ni Dong Abay at “Itatawid, Ihahatid Kita” nina Noel Cabangon at Cooky Chua.

gary g 7

Mula sa GaryGranadaMusicWorks

Gaya ng prutas ng granada na natatangi dahil sa dami ng butong nakapaloob dito, may mga ilang bubulagang sorpresa mula sa  “box set” na nabanggit pagdating  sa iba pang natatanging obra ni Granada.

gary g 6

Mula sa GaryGranadaMusicWorks

Bukod sa apat na  CDs na “compilation” ng mga pinasikat nyang obra,  may tatlong  CDs na naglalaman ng mga awiting pansamba. May apat na CDs na katatagpuan ng  mga natatangi nyang areglo ng mga klasikong awiting kundiman sa Tagalog at Cebuano. Dalawa sa mga CDs  ay mga OPM “musicals.”  Ang Sino Ka Ba Jose Rizal? (1996) ay pinangunahan nina Noel Cabangon, Cooky Chua at Lani Misalucha habang ang Lean (1998)  ay kinatampukan nina Chikoy Pura, Cooky Chua, Bayang Barios at Noel Cabangon. Mayroon din syang mga CDs na  pangsilid-aralan  gaya ng suporta nya sa “creative approach” ng kanyang anak sa pagtuturo ng matematika at mga CDs na mainam na kasangkapan sa pagtuturo ng mapagpalayang Araling Panlipunan. Narito rin ang huling  “studio album” nya na pinamagatang  Basurero sa Luneta.

gary g 4

Mula sa GaryGranadaMusicWorks

Kung maraming sorpresang naghihintay sa kanyang bago at lumang tagapakinig sa 2016 na “box set” ni Gary Granada ay mas marami pang sorpresang naghihintay sa mga papalaring mahuli syang umawit  sa entablado – isang bagay na di na nya gaanong ginagawa ngayon dahil sa pagpapahalaga nya sa kanyang  kasalukuyang  adbokasiya na  pagtuturo ng “Choir Ng Bayan” (i.e., ito rin ang  pamagat ng isang app na akda nya.)  Bagay ang kanyang middle name na Gamutan upang ilarawan si Gary Granada pag sya ay nasa entablado dahil kahit napakinggan mo na ang Gary Granada Live (i.e., na isa sa mga CDs ng “box set” nya)   pihadong magugulat ka pa din  sa “gamut” o lawak ng kakayahan nyang mag “edu-tain” o magturo habang nagbibigay-aliw. Gusto mo ba ng acoustic instrumental music na pwedeng makipagsabayan kina Noli Aurillo, Nitoy Adriano at Johnny Alegre?  Ganun kahusay si Gary Granada.   Gusto mo bang tumawa habang napapaisip tungkol sa lipunan, relihiyon, pulitika, ekonomiya, pilosopiya, teyolohiya, sosyolohiya, kasarian, kasaysayan at kapaligiran? Ganun ka-“versatile” si Gary Granada. Gusto mo bang masilayan ang mga kwento  sa likod ng mga awiting pinasikat nya? Ganun ka-kwela si Gary Granada. Gusto mo ba ang lahat ng nabanggit nang walang “costume change” o “choreography,” walang “smoke and mirrors,” walang “Powerpoint” at “lasers”? Ganon ka-astig si Gary Granada.

gary g 9

Si Gary Granada sa Conspi

Anim na taon na ang nakararaan mula nang inilabas ni Gary Granada ang kanyang huling studio album na pinamagatang Basurero sa Luneta.  Sa liner notes nito ay may ganito syang mensahe sa kanyang mga tagahanga at tagapakinig. “50 years old na po ako, 33 years nang musikero, di pa rin naging rock star.”

Marahil ay tama si Gary Granada lalo na kung ikukumpara nya ang sarili nya kina Bono o Sting.

Ngunit mainam itanong kung ang pagiging “rock star” ba ang puno’t dulo o sukatan  ng  buhay ng isang musikero o ng kahit sinong namumuhay sa mundo?

gary g 5

Mula sa GaryGranadaMusicWorks

Ayon sa bantog na manunulat na si John Maxwell ang puno’t dulo ng buhay ay ang pagyamanin ang binigay na talento sa atin at gamitin ito para pagyamanin ang buhay ng iba. “Ang magtagumpay ay ang matuklasan kung ano ang  misyon mo sa buhay,  lumago sa kaibuturan ng iyong buod at maghasik ng buto na makatutulong sa iba.” Hindi nga ba’t sa “hierarchy of needs” ni Abraham Maslow ay nasa pinakamatayog na antas ang tinatawag na “self-actualization” o ang pagsasakatuparan ng buod ng ating pagiging tao. At ano nga ba ang buod ng ating pagiging tao kundi ang isinasaad sa talinhaga ng talento? “At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya.”  

Ito sa ganang akin ang tunay na panukat ng tagumpay at kung ito ang gagamitin ng mundo, di hamak na matagal nang  “rock star” si Gary Granada.

gary g 10

Rock Star

Advertisements