Mula Kay Dancel Patungo Kay Marcel

“Lahat ng mga ilog ay humuhugos sa dagat, gayon ma’y hindi napupuno ang dagat; sa dakong hinuhugusan ng mga ilog, doon din nagsisihugos uli ang mga yaon.” 

-Eclesiastes 1:7

Dalawang marahil ay matatawag na ding biyaya ang magkasunod kong nasumpungan nitong Disyembre. Ang una ay isang awit na sa ganda ng pagkakalikha ay dali-dali kong sinipra sa aking lumang gitara. Ang ikalawa ay isang pelikula na hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa din ng maraming Pilipino.

Ang pamagat ng awit ay Bawat Daan at  A Second Chance ang pamagat ng pelikula.  Sa unang tingin ay maliwanag na wala silang kinalaman sa isa’t isa. Ang una ay ang “carrier single” at pamagat ng ikalawang “album” ng pamosong mang-aawit, kompositor at gitaristang si Ebe Dancel. Ang ikalawa ay may sariling “soundtrack” at di nito bahagi ang  Bawat Daan. Ngunit, kung pagmumunihan ay may mababanaagan tayong dalawang nibel ng kaugnayan  nila sa isa’t isa.

image.jpeg

Ang pelikulang A Second Chance ay tungkol sa unang pitong taon ng pag-aasawa nina Popoy (John Lloyd Cruz) at Basha (Bea Alonzo.) “Sequel” ito ng pelikulang One More Chance na uminog sa kanilang ligawan, paghihiwalayan at pagbabalikan. Simple at payak lang ang kwento ng A Second Chance at marahil ay napanood nyo na ang istorya nito sa ibang teleserye o pelikula. Gaya ng maraming nagpapakasal, masaya ang mga unang taon ng pagsasama nina Popoy at Basha. Matayog ang kanilang mga pangarap at matamis ang kanilang paglalambingan. At gaya ng istorya ng maraming nag-aasawa, sa pagdaan ng taon ay iba’t ibang pagsubok ang dumating sa buhay nila.

Ang dami at tindi ng mga pagsubok na dinaanan nila ay animo’y halaw sa mga testimonya na maririnig mo sa mga “marriage enrichment retreats” na binibigay ng iba’t ibang grupong simbahan mapa-Katoliko o mapa-Kristiyano. Nariyan ang pagtatalo dahil sa pera at pagkaguho ng mga pangarap at plano. Nariyan ang pangungumpara sa ibang mga nakasabayan nila at ang tukso ng pakikiapid upang takasan ang kasalukuyang realidad. Nariyan ang urong-sulong na tampuhan at ang pagdududa kung tama bang nagkabalikan pa. Ika nga ng isa kong kaibigan na tinanong ko ukol sa kanyang reaksyon sa pelikula: “napagod ako sa sineng yun.” Sina Popoy at Basha man ay napagod din sa dami ng kanilang mga bagahe sa isa’t isa. Pero gaya ng tinuturo sa mga “marriage retreats,” hanggang may isang nagpapakumbaba at may puwang ang pag-uusap sa loob ng relasyon,  walang unos o pagsubok na di pwedeng malagpasan. Ito, sa ganang akin, kasama ang husay sa pag-arte nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo sa direksyon ni Cathy Garcia Molina, ang dahilan ng tagumpay na kasalukuyan nitong inaani sa takilya.

image

Sapol sa  titik at musika ng Bawat Daan ni Ebe Dancel ang saya at sigla ng isang taong natagpuan na ang kanyang mamahalin ng habambuhay, ang kanyang “raison d’etre,” ang inday ng kanyang buhay. Kung dati ay lutang at walang direksyon ang isang Popoy, salamat sa isang Basha, ngayon ay may “hinuhulugan” na ang buhay nya. Si Basha ang naging mistulang  “true north”  ni Popoy, at si Popoy kay Basha.

Kay tagal  nang lumulutang, walang pupuntahan, walang dahilan. Parang ulap na walang dalang ulan, kamang walang kumot at unan. Bihag ako ng pagtataka, may saysay ba ang paglalakbay? Nahanap din kita.”

Hindi matatawaran ang kahalagahan ng isang “true north” sa ating buhay. Ika nga ng pilosopong si Friedrich Nietzsche, “if you know your why, you can deal with any how.” Kung alam mo kung para kanino ka bumabangon, lahat ng paghihirap ay makakayanan. Kaya sa kabila ng sunod-sunod na naging dagok at pagsubok na dumalaw sa buhay nina Popoy at Basha, matapos ang pagtatalo at di pagkakaunawaan, matapos ang tampuhan at iyakan, sa bandang huli ay nagagawa nilang magdesisyon “patungo, pabalik sa yo.”

“Maligaw man at mawala, umikot man sa kawalan. Sa bawat kailan, sino’t saan, ikaw lamang ang kasagutan. Bawat kanan at kaliwa, kung timog  man o hilaga. Ang bawat daan ay patungo, pabalik sa yo.”

Sa kasamaang palad ay hindi parating kahawig ng wakas ng A Second Chance ang kinahihinatnan ng ibang mga relasyong mag-asawa na nahaharap sa unos at pagsubok. Maya’t maya ay may nababalitaan tayong ang dating masaya at nagmamahalang mag-asawa ay may kanya-kanyang buhay na ngayon. Sa mga “reunions” natin ay magugulat na lamang tayong mabalitaan na ang dating pinakasikat sa “batch” natin  pagdating sa pda (i.e., public display of affection) ay nagpa-“annul” na pala.

Sadya yatang lahat ng pagmamahal sa mundong ginagalawan natin ay parating bitin. Lahat ng mga minamahal at nagmamahal ay may kanya-kanyang pagkukulang. Bukod dito, lahat sila, tulad nina Popoy at Basha, ay nagbabago. Ang mga bagay na akala mo ay naroon noong simula ay wala pala. Ang mga bagay na talagang naroon ay matagal na palang naglaho. Kung ang sandigan ng iyong buhay ay nagbabago, kasabay nitong magbabago ang direksyon ng buhay mo. Malaki ang posibilidad na madiskarel ang buhay mo at mawala ka sa wisyo. Kaya ang mahalaga, ayon sa manunulat na si Stephen Covey, ay makapaghanap ng sandigang di nagbabago.

May pahapyaw na pagsang-ayon ang pelikulang A Second Chance sa papel ng hindi nagbabago sa paglago ng nagbabago. Kapansin-pansing ang naturang pelikula ay nagsisimula at nagwawakas sa loob ng kapilya at sa harap ng dambana. Hindi kaya ito isang tahimik na pag-amin na ang pagmamahal na alam natin, kahit gaano pa kasidhi sa simula, ay parating kulang at bitin? Na ang pagsasama ng mag-asawa kahit anong saya at enggrande pa sa araw ng kasal, ay hindi isang palagiang “choreographed production number” na naka-DVD? Hindi nga ba ito ang lohika ng pagharap ng magsing-irog sa dambana – ang pagpapakumbaba at paghingi ng biyaya mula sa Pag-ibig na parating siksik, liglig at nag-uumapaw para kasihan ang pag-ibig na parating kulang at bitin?

image

Ang pagninilay ng pilosopong si Gabriel Marcel tungkol sa buod ng pag-asa ay magpapatotoo sa kahalagahan ng dambana at kapilya sa simula at wakas ng A Second Chance. Sa mga katagang “I hope in Thee for us” (“Umaasa ako sa Inyo para sa amin”) inilalarawan ni Marcel ang isang pag-asa na bubulaga sa yo sa sitwasyong walang kapag-a-pag-asa – isang pag-asa na walang matibay na pinanghahawakan para umasa pa. Para itong pag-asa ng isang ina na hindi alam kung buhay  o patay ang kanyang anak na napabalitang nawawala sa digmaan. Walang kasiguraduhan, walang katiyakan. Ang “nag-iisang tiyak sa isang libong duda” ni Marcel ay isang pag-asa, na sa kabila ng kawalan ng pag-asa, ay umaasa pa din sa Kanya. Sa sitwasyong mukhang walang ka pag-a-pag-asa, sa sitwasyong lugmok na lugmok ka na, doon masusumpungan ang pag-asa sa isang Ikaw na hindi kulang at hindi bitin. Isang Pag-asa na di inaasahang dumating sa dilim, sa isang madumi at masikip na sabsaban dalawang libong taon na ang nakararaan.

image

Sa ikalawang nibel na ito, ang awit na Bawat Daan ni Ebe Dancel ay hindi lamang pagkilala kay Basha (kung ikaw si Popoy) o kay Popoy (kung Ikaw si Basha) bilang “dulo, gitna at simula.” Ito ay nagiging mistulang papuri at pag-amin na nakaugat sa pagmumuni ni San Agustin: “ang aming puso ay hindi mapapalagay hanggang di Ka namin natatagpuan.”

Sa pagkumpas ng iyong kamay, aking landas ginagabay. Nag-iisang tiyak sa isang libong duda, silong sa iyak at pagluluksa. Kung ang puso ko ay imamapa, Ikaw ang dulo, gitna’t simula. Nahanap din kita.”

Maligayang Pasko! image

Advertisements