Walang Ibang Sadya

“Aanhin ang mata kung walang mapagmasdan
Sayaw sa indayog ng talahiban
Aanhin ang tenga kung walang mapakinggan
Ang awit ng dahon sa punong kahoy
Aanhin pa ang mata kung hindi mapagmasdan
Ang tamis ng araw at ang sariwang simoy
Pagmasdan, pakinggan, langhapin ang mundo
Walang ibang sadya ang ayos nito”

                                                 -Joey Ayala, “Walang Ibang Sadya”

aug blog mallory

Ang Bantog na Explorer na si George Mallory

Minsan ay may nagtanong sa bantog na Mount Everest explorer na si George Mallory nang ganito: “Bakit mo gustong akyatin ang Bundok Everest?” Ang tanyag na sagot nya ay “Dahil ito ay nandyan.” Payak at diretso pero ang tunay na kasagutan ay di nya sinabi. Maaaring ituran ng sinuman ang pangungusap na “Dahil ito ay nandyan” pero di nangangahulugang aakyatin din nila ang pinakamatayog na bundok sa buong mundo.

Mula sa ating pag-aaral sa Sikolohiya at Pilosopiya noong tayo ay nasa kolehiyo ay natutunan natin ang iba’t ibang rason kung bakit ginagawa ng tao ang isang bagay. Posibleng ito ay “instinctive” o natural na reaksyon sa nangyayari sa kanya gaya ng pagkagalit o pagkatuwa sa isang bagay. Maaaring ito ay nakasanayan gaya ng paliligo at pagsisipilyo. Pwede din namang ito ay kailangang gawin gaya ng pagtratrabaho o pagtulog. Posible ding ito ay hilig o gustong gawin gaya ng pakikinig at pagtugtog. Hindi posibleng maging instinctive ang isang bagay na nangangailangan ng puspusang paghahanda at ibayong pag-iisip. Pambihirang gawin din ang isang may kahirapang tapusin kung ito ay kailangan lamang gawin. Kung ito naman ay may kahirapang buoin, bihira din namang ito ay makakasanayan. Dahil kung ito ay makakasanayan ay hindi na ito mahirap tapusin. Mas madalas na dahilan ang hilig o  ibig gawin ang isang bagay para pasukin ang isang proyektong di biro ang kakailanganing pagsisikap at pagtyatyaga.

Tulad na din nang aking kapanayamin ang marahil ay pinakamasugid na kolektor ng OPM na si Edward Cruz sa Wired State, ang pinakamalaking forum ng mga mahilig sa audio lalung-lalo na sa pangongolekta ng plaka. Halos walang linggo na di mo masusumpungan ang bago nyang post na album ng ganitong musikerong Pinoy o ng ganitong Pilipinong mang-aawit na di ko na inabot. Nang tanungin ko sya kung bakit nya ito ginagawa, mas diretso ang kanyang naging tugon. Hindi dahil sa isang adbokasiya. Hindi dahil sa pagkaawa sa mga pinag-iwanan ng American Top 40. Hindi upang bigyang puwang ang ating natatanging kakayahan sa sining ng pag-awit kundi: “Dahil sa nahuli nito ang aking pansin at dahil sa pinaigting nito ang aking hilig sa simpleng musika. Tinamaan ako ng musikang Pinoy. Ganun lang kasimple. Baduy na kung baduy.”

aug blog ed cruz

Edward Cruz: Kolektor ng Himig Natin

Narito ang aking naging panayam sa kanya bilang pakikiisa ng blog site na ito sa Linggo ng Musikang Pilipino at sa Buwan ng Wika.

Maari ba kayong magbigay ng ideya kung sino kayo bukod sa pagiging kolektor ng plakang OPM?

Ako ay ipinanganak nuong dekada 70. Isa akong Manufacturing Engineer sa isang multinational company. Laking Quezon City at nagtapos ng kolehiyo sa UST. Mula 1990 ay nanirahan na ako sa Sta Rosa kasama ang aking misis na kuntodo din ang suporta sa aking nakahiligang gawin sa labas ng trabaho – ang pangongolekta ng OPM albums sa vinyl format.

Kelan kayo nagsimulang mangolekta ng OPM?

Actually, mas akma ang salitang muling nangolekta dahil sa matagal na akong nangongolekta ng cassette tapes at plaka. High school pa lang ako nangongolekta na ako ng mga albums. Nuong dumating ang CD ay inakala kong papatayin nito ang mga lumang format kaya nawala ko lahat yun. Taong 2009 nang muli akong magsimula mula sa wala – as in back to zero. Naghanap ako nung lahat ng albums na nakalakhan ko – new wave, pop, punk, rock mula 70s pataas. Kasama na dito yung mga local artists o yung tinatawag ngayong OPM. Lumaki ako sa tahanang parating may musika nina Basil Valdez, Nonoy Zuniga at iba pa. Pauli-ulit at walang-sawa silang pinakikinggan ng aking mga magulang at kapatid halos araw-araw.

Gaano kalawak at kalalim ang iyong koleksyon ng plakang OPM?

Mahigit isang libo lamang ang mga plaka kong OPM. Iba’t iba ang genre ng nasa koleksyon ko. Merong Manila Sound, may novelty, folk, rock, kundiman, punk at rap. Medyo mahirap tukuyin yung lahat ng genre ng koleksyon ko. Gaya ng sinulat minsan ni Billy Joel (i.e., tanda na hindi sya anti-Top 40): ”Next phase, new wave, dance craze, anyways…it’s still rock and roll to me.”

Pero bilang sagot sa tanong mo, siguro nasa mga 50% nito ay Pinoy pop at ballads. Mga 10% nito Pinoy folk/rock. Ganun na din yung tinataya kong porsyento ng Pinoy jazz at intrumentals, kundiman, at Pinoy dance/rap. Mas maliit na porsyento ng koleksyon ko ang Pinoy rock kumpara sa Pinoy pop.

aug blog jdlc complete

Ang Juan Dela Cruz Vinyl Collection ni Edward Cruz

Ano-ano ang mga top 10 hard-to-find Pinoy rock albums nyo?

Maraming nagsasabi na Juan Dela Cruz Band at The Dawn. Pero para sa akin mga “hard-to-pay” ang mga ito rather than “hard-to-find.” They are all out there. Hahanapin mo lang pero sobrang mahal talaga. Swerte lang talaga ako dahil nakuha ko ang mga albums na ito nung hindi pa ganyan kamahal sa merkado at di pa ganyan katindi ang demand.

Para sa akin ang pinaka hard-to-find ay ang mga plaka ni Ronnie Villar. More of personal preference kasi yan. Ilang taon ko nang hinahanap ang mga plaka nya. Sa wakas natagpuan ako ng swerte kamakailan lamang. May nagtext sa akin isang araw para sabihing me OPM albums sila sa kanilang record store. Ganun lang. Ayun, nakita ko din yung matagal ko nang hinahanap. Maari din syang tawaging hard-to-find dahil sa taon ang binilang bago ko natagpuan ito at mahaba-habang pasensya ang kinailangan ko. Para sa akin siguro ang hard-to-find ay yung mga OPM albums na gusto mo pero walang nagbebenta o naglalabas nito. Hindi yung available nga pero ginto naman ang presyo.

aug blog ronnie villar lps

Ang Kanyang PinakaHard-to-Find OPM Vinyl Collection

Isa pa sigurong example yung Soul Jugglers LP. Ilang beses ko nang nakita yan pero ilang beses ding nakaalpas palayo. Hanggang ngayon wala pa din ako nung plaka nila. Puro bahagi lang ng mga compilation yung tracks na meron ako. Ilang buwan ko ding kinulit yung merong kopya nito na maki-trade sa akin dahil ayokong bilhin sa kanyang suntok-sa-buwan na selling price. Yun siguro parehong hard-to-find na, hard-to-pay pa.

Sya nga pala. Yung Ronnie Villar Teenage Sensation LP na natagpuan ko ay selyado pa. Kaya hard-to-open na din sya.

Ano-ano ang mga top 10 hard-to-find Pinoy rock singles sa kolekyon nyo?

Mga asa 100 lang ang mga singles ko. Hindi ako ganun kainteresado sa singles. Tinatamad akong mag-flip pagnatapos ang isang side. Eraserheads singles lang ang palagay kong hard-to-find sa collection ko.

aug blog eraserheads

Eraserheads Singles ang PinakaHard-to-Find sa 45 RPM Collection Nya

Alin sa mga OPM collection mo ang pinakapinahahalagahan mo?

Yung Chona Cruz Non-Stop Album na siguro yun. Kasi yun ang complete name ng misis ko kaya parati syang tinutukso’t binibiro pagdating dito. Naghahanap pa ko ng isang kopya pero wala akong matyambahan sa crate-digging sorties ko.

aug blog chona cruz

Katukayo ng Misis ni Edward

Yung mga iba pang ganun din kaimportante sa akin ay yung mga pinirmahan ng Juan Dela Cruz Band at The Dawn. Kasama na din yung mga me autograph nina Sharon Cuneta, Basil Valdez, Kuh Ledesma, Rico J, Rey Valera, Hajji Alejandro, Jose Mari Chan, Jun Polistico, Freddie Aguilar, Hotdog, Celeste Legaspi, Ogie Alcasid, Anthony Castelo at Tito, Vic & Joey.

Priceless ang mga personal encounters ko sa mga musikerong ito.

aug blog pepe2

Kasama si Pepe Smith ng JDLC

aug blog danny javier

Kasama si Danny Javier ng Apo

aug blog the dawn 2

Kasama si Jett Pangan ng The Dawn

aug blog kuh2

Kasama si Kuh Ledesma

aug blog rey valera 2

Kasama si Rey Valera

Saan-saan mo natatagpuan ang mga plaka na naging bahagi ng koleksyon mo?

Kadalasan sa mga swap meets, thrift shops at sa internet din. Marami din akong nahanap sa US at sa Japan. Nakikipag-ugnayan din ako sa mga ibang kolektor. Posible kasing me spare copy sila nung hinahanap ko. Yung ibang hard-to-find pwede kasing i-trade sa ibang mga kolektor.

Kung enjoy kang mangongolekta, lalago at lalago yung koleksyon mo nang di mo napapansin sa pagdaan ng panahon.

May reference o sanggunian ka bang ginagamit sa paghahanap ng mga OPM albums?

Actually, nahirapan akong maghanap ng mga album cover pictures noong mga unang taon ng pangongolekta ko. Kaya ako gumawa ng OPMLP.blogspot.com.ph para ibahagi sa iba. Baka sakaling makatulong sa mga ibang naghahanap din ng mga OPM albums. Makikita dun ang album covers at track listings ng iba’t ibang OPM albums. Sana makatulong sa mga ibang aspiring OPM LP collectors.

Ano ang masasabi mo sa mga lumabas na plaka ng ilang mga piling musikerong Pinoy kamakailan?

Sa tingin ko ay mainam ito para sa atin. Nauunawaan ko ang mga reklamo ng mga audiophiles tungkol sa sound quality at iba pang mga aspetong teknikal ng mga ito. Pero umaasa akong mas magiging mainam pa ang mga kalidad at ang presyo ng mga ito sa mga susunod na labas.

aug blog sharon interview

Nang Minsan Silang Kapanayamin ni Sharon Cuneta

May nakikita ka bang wakas sa iyong pangongolekta?

Wala akong mabanaagang wakas. Sa ngayon interesado ako sa mga lumabas na plaka nung 60s at 70s. Patuloy pa din ang pagdami ng aking OPM LP collection. Sana ay ma-engganyo ko din ang mga makakabasa nito.

Bakit nga pala Otogi ang avatar mo sa Wired State?

Ang ibig sabihin ng Otogi sa Hapon ay Kasama. Musika ang aking naging kasama sa paglaki at pagtanda. Ngayong may sarili na akong pamilya, musika pa din ang kasama ko at ng aking pamilya. Musika na din ang nakikinikinita kong aking makakasama hanggang sa wakas ng buhay natin dito. At ang OPM LP collection ko ang inaasahan kong magiging kasama naman ng aking mga anak at apo pag wala na ako.